
Noong buwan ng Abril, 2017, ako at aking pamilya ay nagdesisyong magbakasyon sa probinsiya ng Leyte. Kami ay nakituloy sa dating kasamahan ni mama sa trabaho. Plano na din talaga nina mama na pumunta doon upang magbakasyon at upang makapunta sa isa sa mga tinaguriang magandang isla ng Pilipinas- ang Kalanggaman Island. Hindi madali ang pagpunta sa naturang isla dahil kelangan pa naming sumakay ng bangka at nagkataon na sobrang lakas ng alon sa araw na iyon. Ang pamilya namin, kasama na rin ng ibang kaibigan ay nag renta ng bangka at sabay-sabay na bumiyahe papunta sa isla.
Sobrang dami ng tao na nandoon at kagaya namin ay nagbabalak din silang magpagabi sa isla. Sobrang laki at lawak ng Kalanggaman Island. Sa umaga, tanaw ang dagat na sobrang linis at lawak ng tanawin. Sa kabilang bahagi naman ng isla ay mayroong mga tent na gawa sa kahoy at isang tree house kung saan tanaw naman ang magandang paglubog ng araw. Sa gabi, ramdam ang lamig at simoy ng dagat sa tuwing kami ay maliligo at pwede ding magpatugtog sa mismong isla. Sa buong araw na aming pagpunta ay sobrang sulit nito.
Sa bakasyong iyon, mas lalong napagtanto ko na gusto kong malibot ang magagandang tanawin dito sa Pilipinas. Malayo man ito o malapit, lalo kong pinahalagahan ang ating bansa. Sa paglalakbay kailangan din nating maging responsable. Alamin natin ang mga bawat palatuntunon sa mismong lugar at bigyang respeto ang mga ito. Mahalin ang Pilipinas at maging ang mga magagandang lugar nito.